Sunday, March 16, 2014

Ang Balagtasan

Balagtasan
Ang Kahulugan ng Balagtasan
                Itinuturing na sining ang balagtasan dahil hindi lamang sining ng pagbigkas ang nabibigyang pansin ng mga manonood sa nagtatalo kundi maging ang kanilang masining na kumpas ng kamay at ekspresyon ng mukha. Maging ang paraang kanilang ginagawa habang nagpapalitan ng matuwid ay kakikitaan ng sining.
                Isang pagtatalo na ginagamitan ng paraang patula. Ito ang  maikling pagpapakahulugan sa balagtasan. Dahil pagtatalo, ang balagtasan ay nangangailangan ng paksang pagtatalunan.
Pinagmulan ng Salitang Balagtasan
                Nagsimula ang salitang Balagtasan sa orihinal na apelyido ni Francisco Baltazar, ang Balagtas dahil nabuo ito sa panahong ipinagdiriwang ang aniobersaryo ng kanyang kapanganakan. Kung may Bukanegan ang mga Ilocano na hango sa apelyido ni Pedro Bukaneg, ang kilalang makata ng mga Ilokano; at mag Crisotan ang mga kapampangan na hango sa apelyido ni Juan Crisostomo Sotto, ang makata ng Kapampangan, higit na nauna ang salitang Balagtasan sa dalawang salitang nabanggit.
Maikling Kasaysayan ng Balagtasan
                Isang maikli ngunit makabuluhan at maklasaysayan ang pinagmulan ng balagtasan.
                Nabuo ang balagtasan dahil sa pagpupulong ng ilang piling manunulat noong Marso 28, 1924 sa tanggapan ni Rose Sevilla sa Instituto de Mujeres. Pinag-uusapan nila noon ang gagawin nilang programa bilang pagpupugay sa anibersaryo ng kaarawan ni Balagtas sa Abril 2.
                Noong Abril 6, 1924, apat na araw matapos ipagdiwang ang araw ni balagtas ay ginanap ang kauna-unahang balagtasan. Isang pagtatalong may iskrip na inihanda ang bawat sasabihin ng tagapamagitan at ng dalawang nagtatalo. Ito ay nasa paraang patula. Pagkatapos mabuo ang iskrip ay binibigkas sa ilang piling mambibigkas ng tula. Lubusang hinangaan ng mga tagapakinig sina Jose Corazon de Jesus na mas lalong kilala bilang Huseng Sisiw at Florentino Collantes na mas kilala sa bansag na Kuntil-butil.
                Dahil isa lamang sa kanila ang dapat hiranging “Hari ng Balagtasan” napagpasyahan ng komite na nagtatag ng balagtasan na magdaos ng isa pang pagtatalong patula nang walang iskrip. Ginanap ito noong Oktubre 18, 1925 sa Maynila. Dahil sa kahusayang humabi ng salita, bumigkas ng may hagod at aliw-iw, at pagpili ng mga salitang may sukat at tugma ay nagapagpasyahang si Jose Corazon de Jesus ang itinanghal na kauna-unahang “Hari ng Balagtasan.”
Layunin ng Balagtasan
                Ang pangunahing layunin ng balagtasan ay makapagbahagi ng kaisipan at makapagbigay-aliw sa mga tagapakinig/manonood.
                Malimit na gumagamit ng ilang katawa-tawang salita o pahayag ang mga mambibigkas ng balagtasan. Magkagayunpaman ay hindi mawawala ang kasiningan at kahusayan nila sa pagbigkas kasabay ng talas ng kanilang diwa at maagap na pagtugon sa paraang patula.
Katangian ng Balagtasan
Ayon pa kay Villafuerte, may dalawang katangian ang balagtasan: (1) Naghahatid ng kasiyahan sa pagtuklas ng kariktan ng tula, at (2) Nababasa ng mga mambibigkas ang sining ng pagpapaliwanag, pangangatuwiran, pagtatalo, pagbibigkas at interpretasyon sa tula.
Ang Paksa ng Balagtasan
                Ang mga paksang nauukol sa buhay gaya ng pamilya, pag-ibig, lipunan  at politika ang madalas maging paksa ng balagtasan.
                Ang dalawang bagay na malimit pagtalunan sa balagtasan ay ang (1) tahanan o paaralan, (2) ina o ama, (3) dunong o yaman, (4)  pangaral o parusa, (5) bitay o habambuhay na pagkakabilanggo, (6) guro o sundalo, atbp.
Ang Bumubuo ng Balagtasan
                Bukod sa lakandiwa at dalawang mambibigkas ang paksang pagtatalunan ay napakahalaga sa pagtatanghal ang balagtasan. Dahil dito, napapanahon at mahalagang paksa lamang ang dapat taglayin ng balagtasan.
                Ang Lakandiwa ang nagsisilbing tagapamagitan sa dalawang nagtatalo. Siya rin ang (1) ang unang magsasalita at babati sa mga tagapakinig at manonood, (2) ang pormal na magbubukas ng balagtasan, (3) ang magpapakilala sa dalawang nagtatalo, (4) ang magbibigay ng desisyon kung sino sa dalawang nagtatalo ang nagwagi, at (5)  ang magpipinid ng balagtasan.
                Samantalang ang dalawang nagtatalo ay kailangang humarap ng mga ebidensya at magpaliwanag nang buong husay upang makumbinsi nila ang Lakandiwa na sa kanila pumanig.  


No comments:

Post a Comment