Sunday, March 16, 2014

Kasaysayan at ang Pagkalinang ng Wikang Pambansa

Kasaysayan at ang Pagkalinang ng Wikang Pambansa

            Dumating sa kapuluan ang mga Kastila. Sa hangarinh mapalaganap ang Kristiyanismo sa kapuluan, ipinag-utos ng hari ng Espanya na turuan ng wikang Kastila ang mga Pilipino. Ang kautusan na nagmula sa Espanya ay ang pagpapatayo ng mga paaralan para sa pagtuturo ng wikang Kastila, subalit ayon sa ulat, ang mga prayle na rin ang naging sagwil sa pagsasakatuparan ng gayong kautusan. Ayaw bg mga prayle na matutong magsalita ng Kastila ang mga Indio. Minabuti nilang manatiling mangmang at walang kaalaman sa wikang Kastila ang kanilang nasasakupan.
            Sa gayon, ang mga prayle na ang siyang nag-aral ng iba’t ibang wika sa Pilipinas upang makausap nila at maturuan ng relihiyong Kristiyanismo ang mga Pilipino. Ayon kay Fray Domingo Navarrete, natutuhan niya ang wikang Tagalog nang walang hirap at sa loob lamang ng limang buwan ay nakapagkumpisal na siya sa mga katutubo sa kanilang sariling wika.
            Natutuhan ng mga prayle ang wika sa Pilipinas, at upang ang mga susunod na mga prayleng mapapadestino sa iba-ibang pook na ito ay magkaroon ng aklat na pag-aaralan tungkol sa wika, ipinasulat ang aklat ng gramatika sa mga prayleng unang natuto ng wika. Sa pangyayaring ito, naka-ambag nang malaki ang unang kolonisador na Kastila sa panitikan ng Pilipinas. Ito’y ang (1) romanisasyon ng Alibata (2) pagkasulat ng aklat gramatika ng iba’t ibang wika sa Pilipinas.
            Pagkatapos ng matagal-tagal nang panahon ng pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas, unti-unting namulat ang isipan at damdaming bayan ng Pilipino. Bagaman at ipinagkait ng mga sumakop sa kapuluan ang pagkakataon para sa panlahat na edukasyon, marami-rami na ring mga Pilipino ang nakapag-aral at nakarating pa hanggang Europa. Kabilang na dito sina Rizal, Luna, del Pilar, Lopez Jaena at marami pang iba. Humingi sila ng mga pagbabago sa pamahalaang Kastila.
            Sa panahon ng Propaganda, maraming mga nasulat na panitikan sa wikang Tagalog. Ang mga ito ay sanaysay, tula, kwento, liham at talumpati na hitik sa damdaming makabayan. Napatatag ang Katipunan, isinulat nila ang Kartilya ng Katipunan sa wikang Tagalog. Sa pagpapahayag ng kanilang mga hinaing at kanilang maalab na damdaming bayan, maraming tula at sanaysay ang naisulat na siyang nakatulong upang magising ang damdaming bayan at sumilang ang nasyonalismong Filipino.
            Ang bagong kasisilang na Republika ng Pilipinas na pinamumunuan ni Hen. Emilio Aguinaldo at iprinoklama sa Kawit, Cavite ay sasandaling nabuhay. Sa pagdating ng hukbong Amerikano sa Look ng Maynila sa pamumuno ni Almirante Dewey ay nagsimula na naman ang pakikibaka ng mga kawal Filipino, ngayon ay hindi laban sa mga Kastila kundi laban sa mga Ameikano.
            At nasakop na naman ang Pilipinas. Dumating sa kapuluan ang mga bagong puno upang diumano ay ituro sa mga Filipino ang demokrasya at pamumuhay na demokratiko. Nais nilang maturuan agad ang mga nasakop, kahit na ang unang naging mga guro ay Kawal-Ameikano na tinatawag na Thomasites.
Sinabi ni William Cameron Forbes na naniniwala ang mga kawal Amerikano na mahalagang maipalaganap agad sa kapuluan ang wikang Ingles upang madaling magkaunawaan ang mga Pilipino at Amerikano.
Nagpadala si pangulong McKinley ng isang lupon upang mapag-aralan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga Pilipino. Ang lupon ay pinamumunuan ni Schurman. Sa ulat ng Komisyong Schurman, lumitaw na ang kailangan ng Pilipinas ay isang “ walang gugol at pambayang paaralan.” Sinabi rin nila na ang pagpipilit na wikang Ingles ang gagawing wikang panturo sa mga Pilipino ay kawalan ng katarungan. Marami pang mga lupon ang nag-aral ng suliranin sa edukadyon, lalo na ang tungkol sa gagawing wikang panturo. Nariyan ang Komisyong Taft, ang Komisyong Monroe at iba pa. subalit lumitaw na mahirap na gawing panturo ang wikang katutubo dahil sa walang isang wikang katutubo lamang na magagamit at maunawaan ng lahat sa buong kapuluan.
Ayon kay N.M. Saleeby, sa kanyang artikulong “ The Language of Education in the Philippine Islands,” kailangan ng Pilipnas ang isang wikang pambansa na ibabatay sa isa sa mga bernakular. Sang-ayon dito si Blake. At idinagdag niyang ang wikang Tagalog ay siyang karapat-dapat na maging saligan ng wikang pambansa.
Labag man sa tagubilin ni pangulong McKinley na turuan ang mga Pilipino sa kanilang wikang sarili, nanatili ring wikang panturo sa mga paaralang ang wikang Ingles na tinulungan ng wikain ng pook lalo na sa pagtuturo ng kabutihang-asal at kagandahang ugali.
Sa pagkakatatag ng Malasariling Pamahalaan at sa ilaim ng pamumuno ni Pangulong Manuel L. Quezon, nagkaroon ng malaking hakbang sa pagkakaroon ng Pilipinas ng isang wikang pambansa. Sinabi ni Pangulong Quezon na “… ang isang baying bumubuo sa isang kabansaan at isang estado ay dapat magkaroon ng isang wikang sinasalita at nauunawaan ng lahat. Ito’y isa sa pinakamatibay na buklod sa bumibigkis sa bayan at nagpapaunlad sa ikapagkakaisa ng mga pambansang mithiin, lunggati,at damdamin.”
Kaya’t sinikap ni Pangulong Quezon na sa Saligang Batas ng Komonwelth ay mapasama ang artikulo tungkol sa pagkakaroon ng Pilipinas ng isang wikang pambansa. Isinasaad ng Artikulo XIV, Pangkat 3 ng Saligang Batas ng 1935 na ang “… ang Kongreso ay gagawa ng mga hakbang tungo sa pagkakaroon ng isang wikang pambansa na ibabatay sa isa sa mga umiiral na wikang katutubo.”
Ang Kongreso ay bumuo ng mga batas para sa pagkakaroon ng wikang pambansa. Unang natatag ang isang lupon na siyang mag-aaral kung aling wikang katutubo ang pagbabatayan ng wikang pambansa. Ang lupong ito na siyang naging Surian ng Wikang Pambansa ay natatag sa bisa ng Batas Komonwelth Bilang 184.
Maraming haka-haka ang nabuo tungkol sa naging batayan ng wikang pambansa. Bakit daw Tagalog ang naging batayan ng wikang pambansa? Papaano raw ito napili? Marahil daw ay pawing tubo sa Katagalugan ang lupong naatasang gumawa ng pag-aaral.
Ang lupon ay binubuo nina:

1. Jaime C. de Veyra               -           Samar-Leyte                -           Puno
2. Santiago A. Fonacier          -           Ilocano                                    -           Kagawad
3. Casimiro F. Perfecto           -           Bikolano                      -           Kagawad
4. Felix S. Balas Rodriguez    -           Hiligaynon                  -           Kagawad
5. Felimon Sotto                     -           Cebuano                      -           Kagawad
6. Hadji Butu                          -           Tausug                         -           Kagawad
7. Cecilio Lopez                      -           Tagalog                       -           Kagawad
            8. Lope K. Santos                   -           Tagalog                       -           Kinatawan
            9. Zoilo Hilario                        -           Pampango                   -           Kinatawan
            10. Isidro Abad                       -           Visaya                         -           Kinatawan

            Isinagawa ng lupon ang kanilang tungkulin. Gumawa sila ng pag-aaral kung alin sa mga pangunahing wika ang sinasalita at nauunawaan ng lalong maraming Pilipino; alin sa mga wika ang may mayaman nang panitikan ang nasusulat; at alin sa mga wika ang sinasalita at ginagamit sa sentro ng pamahalaan, ng komersyo at edukasyon. Lumitaw na sa tatlong panukatang ito, ang wikang Tagalog ang higit na nakatutugon.
            Gumawa ang lupon ng kaukulang rekomendasyon sa Pangulong Quezon. Sa bias ng Kautusang Tagapagpaganap Bilang 134, ipinahayag na ang wikang pambansa ay ibabatay sa isa sa mga umiiral sa wikang katutubo at ito ay Tagalog o wikang Pambansa Batay sa Tagalog.
            Halos hindi pa natatagalang ipinatuturo ang wikang pambansa sa mga paaralan sa bias ng Kautusang Tagapagpaganap Bilang 263 noong 1940, ay sumiklab ang Pangalawang Digmaang Pandaigdig. Nasakop ng Hapon ang kapuluan. Napinid sandali ang mga paaralan, subalit sa pagbubukas na muli, ipinagamit na wikang panturo ang wikang katutubo. Ibig ng bagong sumakop na malimutan ng mga Pilipino ang wikang Ingles, kaya’t inalis nila sa kurikulum ang wikang Ingles at sapilitang ipinaturo ang wikang pambansa, gayon din ang Nipponggo. Naging masigla at nagkaroon ng malaking pag-unlad ang wikang pambansa. Umunlad din nang malaki ang panitikang Filipino sa Panahon ng hapones sapagkat ang mga manunulat na Pilipino na dati’y sa wikang Ingles sumusulat ay napilitang magsisulat sa wikang pambansa.
            Ang malaon nang minimithing kalayaan ng mga Pilipino ay nagkaroon ng katuparan sa pagkakaloob ng kasarinlan sa Pilipinas noong ika-4 ng Hulyo, 1946. Sa petsa ring ito, isang batas ang pinagtibay ng Kongreso – ang Batas ng Komonwelt Bilang 570 na nagtatadhana na ang wikang pambansa ay maging isa sa mga wikang opisyal ng Pilipinas.
            Sa panahong ito, maraming mga pag-aaral ang isinagawa tungkol sa gagawing wikang panturo sa paaralan. Ang Misyon sa Edukasyon ng UNESCO ay sang-ayon sa pambansang patakaran sa pagpapaturo ng wikang pambansa sa paaralan. Ingles ang nanatiling wikang panturo at iminungkahing ihandog na aralin sa mataas na paaralan ang Kastila. Noong 1949, ang Lupon ng Magkasanib na Kapulungan sa Kongreso ay nagpaalaala laban sa biglaang pagpapalit ng wikang panturo kung walang pagbabatayang katibayan buhat sa mga pag-aaral at pananaliksik pangwika.
            Si Dr. Jose Aguilar, superintendent eng Iloilo, ay gumawa ng isang pag-aaral. Ito’y nakilala sa tawag na “ Ang pagsubok sa Iloilo” (The Iloilo Experiment). Napatunayan sa pag-aaral sa ito na higit na mabilis matuto ang mga batang sinimulang turuan sa unang dalawang baitang sa wika ng pook (Hiligaynon) kaysa sa mga batang tinuruan sa pamamagitan ng wikang Ingles.
            Gumawa rin ng pag-aaral si Dr. Clifford Prator noong 1950 at ang kinahinatnan ay katulad din kay Dr. Aguilar. Ang naging rekomendasyon ni Prator ay ang mga sumusunod:
            Na gamiting wikang panturo sa unang dalawang baitang ang wika ng pook; ituro ang Ingles bilang isang aralin simula sa unang baitang at ito ay gawing wikang panturo pagsapit sa ikatlong baitang, samantala ang Filipino ay sisimulang ituro sa ikalimang baitang.
            Noong 1958, sa Binagong Palatuntunang Edukasyunal ng Pilipinas na naglalayong magkaroon ang bansa ng isang “integrated, nationalistic and democracy-inspired educational system,” ipinatupad ang ganitong programa: Ang paggamit ng katutubong wika ng pook bilang wikang panturo sa unang dalawang baitang ng elementarya; ituro ang wikang Filipino at ang wikang Ingles simula sa unang baitang; at simula sa ikatlong baitang ay wikang Ingles ang gawing wikan panturo.
            Ang Pambansang Lupon ng Edukasyon ay nagtagubilin na gamitin ang wikang pambansa bilang wikang panturo sa paaralan simula s Unang Baitang sa pook na d-Tagalog. Sa pook Tagalog, gamitin ang Filipino bilang wikang panturo sa Una, Ikalawa at Ikatlong Baitang simula sa taong-aralan 1971-1972. sa susunod na taong-arala (1972-73), ang Filipino ay gagamiting wikang panturo sa Baitang I at II, sa pook di-Tagalog; sa Baitang I,II III at Iv naman sa pook Katagalugan. Ito ay patuloy na gagawin hanggang sa maging wikang panturo sa lahat ng baitang sa elementarya – ang wikang Filipino.
            Noong 1972, habang binubuo ng mga delegado ng Kumbensyonng Konstitusyunal, 1972, ang bagong Saligang Batas ng Pilipinas, masasabing dumaan sa langit-langitan ng wikang pambansa ang isang daluyong. May ilang kinatawan na nagmungkahi na gawing wikang pambansa ng Pilipinas ang Ingles. May nagmungkahi naman na kumuha ng kaunting salitang Ilokano, kaunting Bikol, kaunting Hiligaynon at kaunti ng iba-ibang wika at pagsamasamahin ito upang siyang maging wikang pambansa. Subalit hindi maaari ang ganoon. Isinasaad sa Saligang Batas ng 1935 na ang wikang pambansa ay ibabatay sa isa sa mga umiiral na katutybong wika.
            Pagkatapos ng daluyong at sigwa ay sumikat ang liwanag ng araw sa wikang pambansa. Sa panahong ito ng Bagong Lipunan, sumulong at umunlad nang malaki ang wikang pambansa. Sa iba’t ibang pagkakataon, ipinahayag ng Pangulong Marcos ang matatag na paninindigan tungkol sa kahalagahan ng wika bilang mahalaga at mabisang kasangkapan sa pambansang pagpapaunlad.
            Noong 1974, isang kautusang pangkagawaran ang ipinalabas ng Kagawaran ng Edukasyon at Kultura, na nagbibigay-sigla sa pagpapalaganap ng wikang pambansa. Ito ay Kautusang Pangkagawaran Bilang 25, s. 1974, ang Patakarang Edukasyong Bilinggwal.
            Isang napakalaking hakbang sa pagsulong ng wikang Filipino at sa pagpapalaganap ng paggamit nito sa larangan ng edukasyon ang isinagawang pagpapairal ng Patakarang Edukasyong Bilinggwal.
            Sa Artikulo XIV sa 1987 Konstitusyon ng Republika ay may tadhanang pangwika.
Sek. 6. Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Pilipino.
Sek.7. Ukol sa mga layunin ng komunikasyon at pagtuturo, ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay
Filipino at hangga’t walang ibang itinatadhana ang batas, Ingles.
Sek.8. Ang Konstitusyong ito ay dapat ipahayag sa Filipino at Ingles at dapat isalin sa mga pangunahing
wikang panrehiyon, Arabic at Espanyol.
Sek.9. Dapat magtatag ang Kongreso ng isang komisyon ng wikang pambansa na binubuo ng mga
kinatawan ng iba’t ibang mga rehiyon at mga disiplina na magsasagawa, mag-uugnay at magtataguyod ng mga pananaliksik sa Filipino at iba pang mga wika para sa kanilang pagpapaunlad, pagpapalaganap at pagpapanatili.
            Ang noon ay Pangulo ng Pilipinas, Corazon C. Aquino, ay nagpalabas ng isang kautusang nakatulong nang malaki sa pagsulong sa paggamit ng wikang Filipino. Ito ay ang Atas Tagapagpaganap Bilang 335, na “ Nag-aatas sa lahat ng mga Kagawaran/Kawanihan/Opisina/Ahensya/Instrumentaliti ng pamahalaan na magsagawa ng mga hakbang na kailangan para sa layuning magamit ang Filipino sa opisyal na mga transaksyon, komunikasyon at korespondensya.”

Mga Batas at Kautusan na may Kinalaman sa Wikang Pambansa

Artkulo XIV, Pangkat 3 ng Saligang Batas ng 1935
“… ang Kongreso ay gagawa ng mga hakbang tungo sa pagkakaroon ng isang wikang pambansa na ibabatay sa isa sa mga umiiral na wikang katutubo.”
Batas ng Komonwelth Blg. 184 (136)
            Opisyal na paglikha ng Surian ng Wikang Pambansa noong ika-13 ng Nobyembre 1936.
Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 (1937)
            Ipinahayag na ang Tagalog ay siyang magiging batayan ng wikang pambansa ng Pilipinas.
Kautusang Tagapagpaganap Blg. 263 (1940)
Nagbibigay pahintulot sa pagpapalimbag at paglalathala ng Talatinigang Tagalog-Ingles at Balarila sa Wikang Pambansa at itinagubilin din ang pagpapaturo ng wikang pambansa sa mga paaralan, pambayan man o pribado.
Batas Komonwelth Blg. 570 (1946)
Pinagtibay na ang Pambansang Wika ay magiging isa na sa mga wikang opisyal ng Pilipinas simula sa Hulyo 4, 1946.
Proklamasyon Blg. 12 (1954)
Nilagdaan ng Pang. Ramon Magsaysay na nagpapahayag ng pagdiriwang ng Linggo ng Wikang Pambansa ay magaganap mula sa ika-29 ng Marso hanggang ika-4 ng Abril bilang pagbibigay-kahalagahan sa kaarawan ni Balagtas (Abril 2).
Proklamasyon Blg. 186 (1955)
Nilagdaan ni Pang. Magsaysay nag-uutos sa paglilipat ng petsa ng Linggo ng Wika mula ika-13 hanggang 19 ng Agosto bilang pagbibigay ng kahalagahan sa kaarawan ni Pang. Quezon (Agosto 19).
Memorandum Sirkular 21 (1956)
Noong Pebrero, 1956, nilagdaan ni Gregorio Hernandez, Direktor ng Paaralang Bayan na nag-uutos na ituro at awitin ang Pambansang Awit sa mga paaralan.
Kautusang Pangkagawaran Blg. 7, s. 1959
Nilagdaan ni i Kalihim Jose E. Romero ng Kagawaran ng Edukasyon ng noong Agosto 13, 1959 na nagsasaad na kailanma’t tutukuyin ang Wikang Pambansa, ang salitang Pilipino ang gagamitin
Kautusang Pangkagawaran Blg. 24, s. 1962
Nilagdaan ni Kalihim Alejandro Roces at nag-uutos na simula sa taong-aralan 1963-1964, ang mga sertipiko at diploma ng pagtatapos ay ipalilimbag sa wikang Filipino.
Kautusang Tagapagpaganap Blg. 60, s. 1963
Nilagdaan ng Pangulong Diosdado Macapagal na nag-uutos na awitin ang Pambansang Awit sa titik nitong Filipino.
Kautusang Tagapagpaganap Blg. 96, s. 1967
Nilagdaan ng Pangulong Ferdinand Marcos at nagtatadhana na nag lahat ng edipisyo, gusali at tanggapan ng pamahalaan ay pangalanan sa Filipino.
Memorandum Sirkular Blg. 199 (1969)
Nilagdaan g Pangulong Marcos at nag-uutos sa lahat ng kagawaran, kawanihan, tanggapan at iba pang sangay ng pamahalaan na gamitin ang wikang Filipino hangga’t maaari sa Linggo ng Wikang Pambansa.
Memorandum Sirkular Blg. 488 (1972)
Humihiling sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan na magdaos ng Linggo ng Wika
Kautusang Pangkagawaran Blg. 25 s. 1974
Nilagdaan ni Kalihim Juan Manuel na nagtatakda ng mga panuntunan sa pagpapatupad ng patakarang edukasyong bilinggwal.
Kautusang Pangkagawaran Blg 22, s. 1987
            Paggamit ng “Filipino” sa pagtukoy sa wikang pambansa ng Pilipinas.
Artikulo XV, Seksyon 2 at 3, Saligang Batas ng 1973
“Ang Batasang Pambansa ay magsasagawa ng mga hakbang tungo sa pagpapaunlad at pormal na paggamit ng pambansang wikang Pilipino at hangga’t hindi binabago ang batas, ang Ingles at Pilipino ang mananatiling mga wikang opisyal ng Pilipinas”
Kautusang Pangministri Blg. 22 (1978)
Nilagdaan ng Ministro ng Edukasyon at Kultura, Juan Manuel ang na nag-uutos na isama ang Pilipino sa lahat ng kurikulum na pandalubhasang antas
Artikulo XIV, Saligang Batas ng 1987
Sek. 6. Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Pilipino.
Sek.7. Ukol sa mga layunin ng komunikasyon at pagtuturo, ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay
Filipino at hangga’t walang ibang itinatadhana ang batas, Ingles.
Sek.8. Ang Konstitusyong ito ay dapat ipahayag sa Filipino at Ingles at dapat isalin sa mga pangunahing
wikang panrehiyon, Arabic at Espanyol.
Sek.9. Dapat magtatag ang Kongreso ng isang komisyon ng wikang pambansa na binubuo ng mga
kinatawan ng iba’t ibang mga rehiyon at mga disiplina na magsasagawa, mag-uugnay at magtataguyod ng mga pananaliksik sa Filipino at iba pang mga wika para sa kanilang pagpapaunlad, pagpapalaganap at pagpapanatili.
Kautusang Blg. 52 (1987)
Pinalabas ng Kalihim Lourdes Quisumbing na nag-uutos sa paggamit ng Filipino bilang wikang panturo sa lahat ng antas sa mga paaralan.
Kautusang Pangkagawaran Blg. 21 (1990)
Nagtagubilin na gamitin ang Filipino sa pagbigkas ng panunumpa ng katapatan sa Saligang Batas at sa bayan natin.
CHED Memorandum Blg. 59 (1996)
Nagtatadhana ng siyam na yunit na pangangailangan sa Filipino sa pangkalahatang edukasyon at nagbabago sa deskripsiyon at nilalaman ng mga kurso sa Filipino 1 (Sining ng Pakikipagtalastasan), Filipino 2 (Pagbasa at Pagsulat sa Iba’t Ibang Disiplina) at Filipino 3 (Retorika).
Proklamasyon Blg. 1041 (1997)
Nilagdaan niPangulong Fidel Ramos na nagtatakda na ang buwan ng Agosto taun-taon ay magiging Buwan ng Wikang Filipino at nagtagubilin sa iba’t ibang sangay/tanggapan ng pamahalaan at sa mga paaralan na magsagawa ng mga gawain kaugnay sa taunang pagdiriwang.
2001   
Tungo sa mabilis na estandardisasyon at intelektwalisasyon ng Wikang Filipino, ipinalabas  ng Komisyon ng Wikang Filipino ang 2001 Revisyon ng Ortograpiyang Filipino at Patnubay sa Ispeling ng Wikang Filipino.


           
           
     



No comments:

Post a Comment