Sunday, March 16, 2014

Ang Sining ng Sabayang Pagbigkas


Ang Sining ng Sabayang Pagbigkas

Katuturan ng Sabayang Pagbigkas
~masining na pagpapakahulugan o interpretasyon sa anumang anyo ng panitikan sa pamamagitan ng sabayang pagbabasa nang malakas ng isang koro o pangkat.
~Ayon naman kay Abad (1996), ang Sabayang Pagbigkas ay isang kawili-wiling pamaraan ng pagpapahalaga sa panitikan sa pamamagitan ng pagsanib-sanib ng mga tinig ng koro ayon sa wasto nilang tunog, puwersa at lakas.
Mga Kasanayang Malilinang sa Pagsali sa Sabayang Pagbigkas
1.     ito ay mabisang pamaraan ng pagkatuto ng wika.
2.     mabisa itong pamaraan sa paglinang at isang panghikayat sa pagkakaroon ng kabatiran at lugod sa pagpapaunlad ng panitikan
3.     ito’y isang pangunahing pagsasanay sa pagtatalumpati, pagbigkas nang isahan, pagpapakahulugan at pag-arte sa tanghalan.
4.     naglalaan ito ng malawak na kakayahan sa pagkalugod sa sining.
5.     nakatutulong ito sa ikapagtatamo ng pang-unawa sa lipunan bunga ng isang gawaing pangkatan, pakikiisa at pakikibagay.
6.     isa itong panimulang kasanayan sa mahusay at mabisang paraan ng pakikipagtalastasan.
Mga Uri ng Pagsasaayos para sa Panabayang Pagbigkas
1.     Antiponal – Ang pangkat sa uring antiponal ay hinahati sa dalawa ayon sa tinig; mataas at mababa o malaki at maliit o lalaki at babae. Angkop ang uring ito sa akdang may usapan. Ang usapan ay maaring anyong tanong-sagot o pakiusap. Ang unang pangkat ang nagtatanong o nakikiusap at ang ikalawa ang sumasagot.
2.     Refrain – Pinakapayak ang uring refrain sa pagsasaayos at angkop para sa mga nagsisimulang bumigkas nang panabayan. Ang akda ay pinaghati-hati. May mga taludtod o pahayag para sa isa o mahigit pang soloista at mayroon ding para sa koro. Kadalasan, ang taludtod/pahayag para sa koro ay inuulit na taludtod/pahayag.
3.     Line-A-Child – Gumagamit ang uring line-a-child ng maraming soloista na ang bawat isa ay may kanya-kanyang bibigkasin. Kadalasan, ang paraang ito ay itinatambal sa unison.
4.     Part Arrangement – ang uring part arrangement ang pinakamahirap isaayos ngunit ito ang pinakakawili-wiling pakinggan. Asng bawat tinig ng korista ay inuuri ayon sa taas o baba (pitch) at laki o liit (timbre) gaya ng halimbawa ng sumusunod: lalaki – tenor, baho; babae – soprano, alto. Kadalasan ang mga taludtod/pahayag na katatagpuan ng maraming patinig I ay para sa mga soprano at yaong may a at o ay para sa may mababa o malaking tinig. Isinasaalang-alang din ang kalagayan (mood) at pinapaksa ng akda. Ang masayang bahagi ng akda ay ipinabibigkas sa mga babae. Ang tungkol sa lagim, kapangyarihan, karahasan, ay ibinibigya sa may malalaki o malalakas na tinig.
5.      Unison – Sabayang bigkas ng buong pangkat ang akda. Angkop itong gamitin sa mga tulang hindi na kailangang pagbaha-bahaginin para sa iba’t ibang mambibigkas, tulad ng mga tula o akdang wala namang usapan o diyalogo. Ang uring ito ay nangangailangan ng maingat at maselang pagmamatnubay. Ang buong pangkat ay dapat bumigkas na parang isang tao.
Apat na Anyo ng Sabayang Pagbigkas

1.     Ang Pagbabasang may Madamdaming Pagpapakahulugan
Isang uri ito ng madamdaming pagbabasa ng isang pangkat sa isang piyesa. Imunumungkahing idikit ang piyesa sa isang polder na matigas at may iisang sukat. Isulat nang malinaw at pare-pareho  pamagat ng piyesa sa labas na bahagi ng polder na mababasa ng manonood/ nakikinig.
Maaring bumuo ng dula buhat sa tula; may pangkat na nagbabasa bilang tagapagsalaysay habang may tauhang nagsasadula na gumagamit ng diyalogo o usapang patula.

2.     Ang Sabayang Bigkas na Walang Kilos
Dito ay saulado ang piyesa. Sa ganitong pagtatanghal limitado lamang ang gawain/kilos ng koro maliban sa pagbibigay damdamin sa pamamagitan ng angkop na tinig, ekspresyon ng mukha, mga kibit ng balikat, payak na kumpas ng kamay, mga iling at tango ng ulo. Malaki ang maitutulong sa pagbibigay ng mensahe sa piyesa sa manonood ng mga nabanggit na payak na mga kilos. Higit na magiging mabisa kung gagamit ng riser o tuntungan ang koro lalo na’t kung ito ay binubuo ng tatlong hanay.

3.     Ang Sabayang Bigkas na may Maliliit na Angkop na Kilos
Hindi angkop dito ang paggamit ng riser sapagkat ang koro ay gagawa  na ng maliliit na kilos. Sa uring ito ng gawain, ang piyesa ay magkakaroon na ng higit na pagkamasining na pagpapakahulugan sapagkat bukod sa mahusay at madamdaming pagbigkas ay may kaangkop na kilos at galaw na maaring isahan o pangkatan (blaking) upang lalong mabigyang diin at kulay ang mensahe ng mga salita, linya o taludturan. Itinatagubiling iwasan ang napakaraming galaw na maaring makasira lamang sa pagpapakahulugan.

4.     Ang Madulang Sabayang Pagbigkas o ang tinatawag na  mga PETA Tula-Dula.
Tinatawag din itong ganap na dulaan o total theatre. Ito ay isang uri ng madulang bigkasang pangkoro na gumagamit ng panlahatang pagtatanghal teatro – isang tulang isinadula; may tauhang gumaganap, may korong tagapagsalaysay, nilalapatan ng angkop na kasuotan, angkop na tunog, musika, awitin, sayaw, pag-iilaw, mga tanawin, kagamitan o props, atbp.
Pinakamataas ang uri ng gawing ito. May kaselanan, kahirapan, at ngangailangan ng puspusan at mahabang panahon ng pagsasanay sa wastong bigkas, blaking, pagpapakahulugan, panuunan ng tingin, atbp. Nangangailangan ng kaalaman at kasanayan panteatro ang isang tagapagsanay rito. Kung baguhan pa lamang ang kalahok rito, iminumungkahing magsimula muna sa pinakapayak na anyo tulad ng binanggit na sa unahan hanggang sa makamit ang pataas na pataas na karanasan.
Sa apat na anyo ng Sabayang Bigkas, tandaang ang uri ng ng pagkakabigkas ang pinakamahalaga. Anmg kilos na isahan o pangkatan man, ang makukulay na kasuotan, props, tunog, musika, atbp. Ay tumutulong lamang sa pagbibigay diin at pagpapalutang ng damdamin at paghahatid ng mensahe ng tula.
Ang gawaing ito na may iba’t ibang anyo ay napatotohanang mabisa at kawili-wili sa mga mag-aaral maging ito ay ginagamit sa silid-aralan bilang pagpapahalaga sa isang tula at buhat sa mga gawaing ito, sa pamamagitan ng isang puspusang pagsasanay at pagpipino ay maari na itong ihandog bilang sa isang palatuntunan o sa isang bukod tanging pagtatanghal.

Ang Piyesa
Mga Dapat Isaalang-alang sa Pagpili ng Piyesa
1.     Ang piyesa ay kailangang angkop sa kakayahan, karanasan, at kawilihan ng mga mag-aaral na bibigkas.
2.     Kailangan ang piyesa ay mauunawaan ng bibigkas. Higit na mabibigyan ng lakas, diin, bisa, at damdamin ang isang piyesa kapag ito ay abot sa kanilang kaalaman at ito’y magiging isang makulay na bahagi ng kanilang karanasan.
3.     Kailangan ang piyesa ay may katangiang maitatanghal at makatwirang pag-ukulan ng mahabang panahon, pagod, at pananalapi.
4.     Kailangan din ang piyesa ay angkop sa kaalaman at kawilihan ng namamahala o tagapagsanay ng Sabayang Bigkas.
5.     Sa pamimili ng piyesa, ibatay ito sa uri ng gagawing pagtatanghal. Halimbawa;: ang piyesa ay nangangailangan ng 20 o 30 tinig , kailangang magkahalong mabuti ang 20 o 30 tinig na ito at maging iisang tinig na lamang.

Katangian ng isang Mahusay na Piyesa
1.     May sapat na katanyagan; may pagpapahalaga at kamalayang panlipunan at kasaysayan.
2.     Nagtuturo ng kahalagahang moral at nagdudulot ng inspirasyon.
3.     Nagbibigay ng pag-asa sa buhay, ng kabutihan at kamaharlikahan ng pangkatauhan ng wika at kabanalan. Iwasan ang piyesang nagpapakita ng kabangisan, ng kahayupan, ng pagmamalupit at ng di-makatao.
4.     Lumilinang sa paniniwala ng kagandahan ng ating bayan na ang ating uri ng pamumuhay ay may tatak ng pagkamaginoo at katapangan, na tayong mga Pilipino ay may mataas at matatag na adhikaing bumuo at tumuklas ng kanyang sariling patutunguhang bukas.

Ang Pagbabagong Anyo ng Piyesa
1.     Maaring ang piyesa ay:
a.     Orihinal
b.     Akda ng iba
c.     Isang paghahalaw
d.     Isang pagsasalin buhat sa isang wika at wikain
2.     Buhat sa nabanggit sa itaas, maari ring ang piyesa ang magbagong anyo tulad ng:
a.     Hinango mula sa isang dula
b.     Hinango mula sa isang kwento
c.     Hinango sa isang epiko, mitolohiya, pabula, parabula, alamat, atbp.
d.     Hinalaw buhat sa maraming tula, atbp.
3.     Tayahin at sukatin ang kahusayan ng piyesa sa maraming paraan. Maraming dahilan kung bakit kailangan ang pagbabagong-anyo ng isang piyesa. Maaring bawasan o dagdagan ang linya o mga linya. Maaring ulitin ang salita o mga salita. Maraming dahilan sa pagsasagawa nito,

Mga Pananda at Sagisag na Mungkahing Gamitin sa Piyesa
a.     Pangkat
I – Unang pangkat.  Ang mga tinig ay may uring matinis o mataas
II – Ikalawang Pangkat. Yaong may karaniwang tinig.
III – Pangatlong Pangkat. Yaong may malagom na tinig.
Lahat – lahat ng tinig na magkasabay (I-III)
Solo – isang babae o lalaki, ayon sa itinakda ng pagsasanay.
b.     Bilis
Mbagl – mabagal
N – Normal
Mbls – Mabilis
Mblss – mabilis na mabilis
Pbls – Pabilis
Madiin – madiin
Pgl – Pabagal
c.     Lakas
B – bulong
Mh  - mahina
K – katamtaman
Mlks – malakas
Mlkss – malakas na malakas
Palaks – palakas – maaring magsimula sa pabulong o sa mahinang tinig papalakas, maari ring magsimula sa katamtamang tinig papalakas na parang isinisigaw.
Pahna – Pahina – magsisimula sa malakas na tinig papahina na halos mapunta na lamang sa normal na paghina, hanggang sa pabulog na pagbigkas.
Pbl – pabulong
Pans – Paanas
Pa-echo – umaalingawngaw na tinig, gumaganti at nagbabalik
d.     Iba pang sagisag
/ - Hati sa normal na paghinto ng tinig ang paghinga. Hindi gaanong mabagal ang hinto o tigil.
// - Hati sa normal na paghinto ng tinig ng paghinga. Matagal nang kaunti ang hinto o tigil, katumbas ng dalawang pitik.

Ang Pamimili ng Kalahok
1.     Mga bagay na Dapat Tandaan sa Pagsusuri sa mga Kalahok
a.     Magsimula sa 15 hanggang sa 20 tinig. Hindi dapat gawing batayan ang bilang ng kalahok sa tagumpay ng pagtatanghal. Ang may-uring tinig ay yaong may mataas na uri ng tinig, sabay-sabay at may mahusay na pagkakahalu-halo ang mga ito, magandang tono, taas o baba. Ang ganito ay may mabisang orkestrasyon ng tinig.
b.     Kailangan bigyan pansin ang katangian ng mga kalahok: ang kanyang tikas, tindig, kalusugan, personalidad (kakanyahang pangtanghalan), uri ng tinig at higit sa lahat ay ang kanyang kakayahan at kasanayan sa pagbigkas.
c.     Kailangan ang kalahok ay mapaniwalaan ng mga manonood. Halimbawa’y kung ang binibigkas ay kalungkutan at pamimighati, nararapat na magkaroon ang kalahok ng kakanyahang makahikayat at makaantig ng damdamin ng manonood na maging malungkot din, manimdim, at lumuha sa pamamagitan ng kanyang galaw, kilos, tinig, ekspresyon ng mukha at kumpas ng kamay, kibit ng balikat, galaw ng ulo atbp.
d.     Kailangang ibagay sa kalahok ang papel na gagampanan.
e.     Kailangan ang kalahok ay nagtataglay ng katauhang pangtanghalan. Ito ay agad makikilala sa kanyang tikas – pagtindig, pagkilos, at pagkumpas. Sa pagtindig, ang bigat ng katawan ay kailangan nasa sa nauunang paa. Kung pantay ang tindig, ang bigat ay nasa dalawang paa.



Pagsusuri sa Tinig ng mga Kalahok
Napakahalagang sangkap sa sabayang bigkas ang tinig ng kalahok, kung kaya napakahalaga ng pagsusuri nito. Nasa maayos na na pagkakaayaw-ayaw ng uri ng tinig ang tagumpay ng Sabayang Pagbigkas. Ang ikinaririkit at ang pagiging pagkamabisa ng orkestrasyon ng tinig ay ang mainam na magkaroon ng kaisahan at ang pagsasanib ng mga magkakauri at magkakatugmang tinig ayon sa lagom at tinig, bilis at lakas. Napatitindi ang pagsusuyuan ng kaisipan at damdamin ng isang tula sa pamamagitan ng maayos na pagsasama o paghihiwalay ng mga uri ng tinig na ito.
Sinasabing may tatlong uri ng tinig:
a.     Matinis o mataas
b.     Karaniwan -          di matinis at di-malagom
c.     Malagom
Kung nais buwagin pa sa maliliit na pangkat na tulad nito :
a.     Matinis o mataas
b.     Di-gaanong matinis o mataas

Himig
Nararapat ding masusing pag-ukulan ang wastong paglalapat ng himig sa tula. Madalas marinig ang himig na umiiyak o nagpapalahaw o dili kaya’y himig na pagalit gayong ang diwa ng tula ay dapat bigkasin ng masaya. Kung minsan naman, ang pagbigkas ay parang pusang naglalampong at kung minsa’y bumabasa ng pasyon o parang ibong umaawit. Dahil dito, ang diwang naihahatid ng piyesang binibigkas ay kaiba sa tunay na diwa ng tula.
Mababanggit na rito na may mambibigkas na halos iisa ang himig ng pagbigkas .. lumalakas ….humina…lumakas….humina…walang pagbabago, buhat sa simula hanggang sa matapos ang tula. Ito’y palasak noong unang panahon. Sa kasalukuya’y isiinasaalang-alang ang mga diwang napaloob sa tuila at ang pabagu-bago ng pagbigkas, malakas-mahina, mabagal, mabilis, tuloy-tuloy at madiin. Ito’y naaayon sa kaisipan ng tula.

Pagpapalutang ng Tinig
                Tulad ng isang koro ng musika, kailangan ang bokalisasyon – ang pagpapalabas ng tinig, bago umawit. Kailangan din ito sa isang korong pambigkasan upang makatiyak na ang tinig ay naipupukol nang buong-buo at ubod ng linaw sa bawat isang manonood. Narito ang isang pagsasanay.
Huminga nang malalim na ang tinig ay nanggagaling sa dayapram (ang malambot na bahagi sa ilalim ng huling tadyang sa dibdib at tiyan). Mamaywang na ang hintuturo ay nasasalat, huminga sa bibig at punuin ng hangin sa dayapram. Matatanto na ang kalamnang ito o ay lalabas at uusli. Mamimintog ito pahinga nang papasok dahil sa mapupuno ng hangin at iimpis o huhupa kapag huminga nang papalabas.
Kapag ang balikat ay tumaas, nangangahulugang di mo ginamit ang iyong dayapram at mali ang iyong pagsasanay.
Ang paghinga sa pamamagitan ng dayapram ay nagbibigay ng maraming laang hangin, tiwala sa sarili at lakas ng katawan, maganda at buong tinig, sa dahilang ang iyong dibdib na puno ng hangin ay nagsisilbing resonador.

Pagpapangkat-pangkat
1.     Isang tuwid na hanay
2.     Dalawang maigsing hanay (maaring gumamit ng riser)
3.     Ayos na tatsulok
4.     Pabaligtad na tatsulok
5.     Dalawang hanay sa kalahating-bilog (semi-circle)
6.     Tatsulok na masinsin at datig (ang solo ay nasa gitna)
7.     Dalawang tatsulok na datig na datig at masinsinan

Panuunan ng Paningin
Magkakaroon ng mabisang pakikipag-ugnayan sa kanyang madla/manonood ang mambibigkas/koro kung alam nila ang pagtutuunan ng kanilang mga paningin. Kailangang maging malawak ang masaklaw nito. Karaniwan ang panuunan ng paningin ng isang mambibigkas ay nagsisimula sa gitna at sa gawing likuran. Kung nais niyang baguhin ang panuunan ng paningin, maililipat niya ito sa gawing likuran, sa kanan o sa kaliwa, ngunit hindi niya dapat laktawan ang dakong gitna. Kailangan sa may dakong likuran ang paglilipat ng panuunan ng paningin. Isa sa kahinaan ng mambibigkas ay ang pagiging mailap ng mata at ang pagiging magalaw ng kartawan o ng ulo nang walang motibo / sanhi o dahilan kaya, May ilan na magalaw ang paa na tila nagsasayaw, at ang iba’y malilikot ang kamay. Nagbubunga ito ng pagkalito ng madla at ang pagkawala ng kawilihan sa pakikinig sa bumibigkas o koro.

Ang Pagkumpas
Ang kumpas ay anumang galaw o kilos ng alinmang bahagi ng katawan na may laying maghatid sa manonood ng damdamin ng tula at mailarawan ng buong linaw ang kaisipan, mensahe/diwa nito. Ginagamit din ito sa pagbibigay-diin sa pagpapahayag.
Itinuturing ang kumpas na isa sa napakahalagang sangkap ng masining na pagbigkas.
1.     May dalawang uri ang kumpas
a.     Ang kumpas ng kaugalian na tumutukoy sa kaugalian ng mga tao.
b.     Ang pagkumpas na paglalarawan na tumutukoy sa pagkumpas ng panggagaya o paghuhuwad.
2.     Kahulugan ng mga Kumpas
Ang mga kumpas na pangkaugalian:
a.     Kumpas na paturo
Ginagamit ito sa panghahamak, pagkagalit, pagkapoot, at pagtawag ng pansin sa bagay na itinuturo.
Halimbawa:
Ikaw! Sila….! Kayo ….!
Kayong lahat …..!
Mapanghamak na Lipunan ….!
b.     Dalawang kamay
Nakalahad na dalawang kamay at unti-unting itinataas
Halimbawa
Bangon….Bangon na Bidasari….
c.     Kumpas na pasubaybay
Ginagamit kung nais bigyan ng diin ang pagkakaugnay ng diwa.
Halimbawa
Sa lahat ng dako, ng bayan kong sawi,
Laganap ang sama’t mga gawaing mali…
(kuha sa Florante at Laura ni F. Balagtas)
d.     Kumpas ng kamay na mabilis na ibababa, pabagsak at matalim
Halimbawa:
Ngunit pagkatapos…ng daang taong alipin….
Lahing kayumanggi’y namulat nagising
Siniil na laya’t, hangaring pinigil
Biglang sumilakbo … di kaya’y awatin
e.     Dalawang nakabukas na bisig pantay balikat at nagpapahiwatig ng kalawakan
Halimbawa:
At sa kalawakay biglang naulinig….
Yaong hinaing …. Napaos na tinig..
f.      Dalawang kamay na marahang ibinababa (nagpapahiwatig ng panlulupaypay at pagkabigo)

Kumpas ng Paglalarawan
a.     Palad na nakataob – nagpapahiwatig ng galit, lalo na’t kung ito ay biglang ibababa.
Halimbawa
Kahubdan at gutom!
Isipang salanta;
Ito ba ang aking
Manang mapapala
Na labi ng iyong
Taniman at sumpa?
(kuha sa Tinig ng Darating ni T. Baylen)

b.     Bukas na palad na marahang ibinababa – nagsasaad ng mababang uri ng damdamin o kaisipan.
Halimbawa
Di gayon nga, awtoridad ay naiba
Napalitan ang balangkas
Nangabago ang sistema
Nguni’t yon din:
Ang dayuha’y panginoon
Pilipino ang busabos
Nakayuko, tagasunod
Walang tutol …..
(kuha sa Pilipino: Isang Depinisyon ni P. Pineda)

c.     Kuyom na palad – nagsasaad ng pagkapoot at nagpupuyos na damdamin.
Halimbawa
Ang naamis ay nagbangon, lumaban at naghimagsik
Kamatayan ay sinuong, sinagupa ang panganib…!
(kuha sa Pilipino: Isang Depinisyon ni P. Pineda)

d.     Bukas na palad na paharap na nagsasalita. Ginagamit ito na pantawag-pansin ang alinmang bahagi ng katawan ng nagsasalita.
Halimbawa
Ako’y guro, isang gurong tungkulin ay taimtim
Maputi na ang buhok kong dati rati’y maitim
Ang tudling ng katandaan sa noo ko’y mapapansin
At ang ilaw ng mata ko’y malapit nang mangulimlim
Ang pisngi kong kulay rosas ay maputla na at laing
Pati puso’t kaluluwa’y sa langit nakatingin
(kuha sa Ako’y guro ni B. Del Valle)
e.     Palad na nakabukas na magkalayo ang mga daliri na unti-unting tumitikom. Nagsasaad ito ng matindi, ngunit matimping damdamin.
Halimbawa:
Ngunit gumabi na …..
At saka nagdilim ….
Na sa gawing laot ay nagpapalagim;

Katangian ng isang Mabuting Kumpas
a.     Ang mabuting kumpas ay maluwag at maganda, iyong natural. Hindi yaong tuwid na tuwid ang katawan, naninigas ang bisig, leeg, nanggigigil o dili naman kaya’y malikot at animo’y nagsasayaw. Ang anyo o ekspresyon ng mukha ay kailangang iangkop sa kaisipan at damdaming ibig bigyang-diin ng kumpas at nais ilarawan. Ang wastong pagkumpas ay nakatutulong sa pagpapataas ng damdamin hanggang sa marating ang pinakarurok at pinakamaigting na damdaming nais ihatid sa madla.
b.     Puno ng buhay at kailanma’y hindi matamlay ang isang mabuting kumpas. Sikaping maging iba-iba ang antas ng siglang taglay ng bawat kumpas.
c.     Ang isang kumpas ay dapat maging tiyak at hindi alanganin. Kung may ibig ituro, tiyakin na iyon nga ang ituturo. Nakawawala ng bisa at kabuluhan ang kumpas na alanganin at urong-sulong o kaya’y patumpik-tumpik.
d.     Nasa panahon ang mabuting kumpas, iyong hindi huli at hindi rin naman una. Nasa mabuting pag-ooras, wika nga timing.
e.     Kailangan ang kumpas ay angkop sa nakikinig. Ang saklaw ng kumpas ng braso ay dapat ibagay sa dami ng nagsisipakinig.
f.      Kung sa pagtatapos nauuna ang kanang paa, ang kanang kamay ang dapat gamitin sa pagkumpas. Kung ang kaliwang paa naman ang nauuna sa pagtayo, ang kaliwang kamay ang dapat gamitin sa pagkumpas. Kung kailangang gumamit ng dalawang kamay, ang dalawang paa ay magkapantay sa pagkakatayo. Sa pagkumpas, ang paggalaw ng kamay ay may hangganan. Ang kamay sa pagkumpas ay di dapat sumakop sa kabilang hati ng katawan. Ito ay pinapayagan lamang kung ang ituturo ng kamay ay ang puso ng bumibigkas.

Ang Pag-ooras o Peysing
Ang pag-ooras o peysing ay isang paraan sa isang masining na pagdidisiplina sa oras, sapagkat lahat  ng gawain ay may kaukulang oras o panahon.  Dito nakasalalay ang bisang idinudulot nito sa mga manonood. Halimbawa’y kailan bibigkasin sa gayon at ganitong paraan ang gayon at ganitong linya. Kailan gagalaw ang koro? Kailan sinasabing may nangingibabaw na tinig o kaya nama’y humihiwalay, nahuhuli o nauunang tinig? Kailan naman sinasabing ang tinig ay sabog at iba pa? Nasa maselan at tiyak na paglalaan ng hudyat, nakasalalay ang tagumpay ng pag-ooras. Hindi ito madaling gawin. Kailangan lamang ng puspusan at tapat na pagsasanay, pagtitiwala, ang bawat kalahok kung nais magtagumpay sa gawaing ito.

Paglalapat ng kasuotan
Sa sabayang bigkas, ang pagkakaisa ng pangkat/koro ay sadyang mahalaga. Higit na mabisa at kaaya-aya kung pati kasuotan ng koro ay pag-uukulan ng pansin. Kung hindi madula ang gagawing pagtatanghal, maari nang gamitin ang uniporme sa paaralan. Kailangang isama sa paghahanda sa simula pa lamang ang kasuotan. Kailangan ang pananaliksik sa pagbabalak sa kasuotan lalo na’t kung ang piyesa ay pamanahong piyesa.
Lapatan ng angkop na kasuotan ang piyesa. Pakatandaan na ang tumpak na kasuotan ay tumutulong lamang sa pagbibigay diin sa pagpapahayag ng mensahe, kaisipan, atbp. Ng tula. Ang bigkas ang siyang dapat maging pangunahing konsiderasyon sa paghatol.

Pagkakaugnay ng Mambibigkas at ng Madla/Manonood
Nakikilala ang kahusayan/tagumpay ng koro sa lakas ng kanyang hikayat sa madla. Ito’y malinaw na makikita sa reaksyon o gantring-galaw ng manonood sa pamamagitan ng kanilang pagtawa, pagpalakpak, pagtayo, pagluha o ng kanilang mkatahimik na pakikinig o pagmamasid. Nakikiisa ang madla  sa damdaming ipinahahayag ng koro. Matatamo ang layunin ng piyesa sa pamamagitan ng tindi ng hikayat nito.

















No comments:

Post a Comment